Sa araw na ‘to, ipinagdiriwang ang ika-pitong taon ng pagiging ina ko. Oo, pitong taon na mula ng ipanganak ang aking prinsesa. Mahigit pitong taon na rin magmula nang bulabugin ko ang buong angkan namin sa balitang ako, isang desi-sais anyos na dalagita, hindi pa man nakakatapos ng high school, ay nagdadalang-tao.
Pero, mahabang kwento kung ide-detalye ko pa ang mga nangyari at kung anu-ano ang sari-saring masasalimuot na insidente at mala-roller coaster ride na emosyon ang sinagupa ko para lang malagpasan ang kabanata sa buhay kong idinulot ng hindi ko paggamit ng condom. Alam mo na siguro na nagpasya na akong mamuhay dito sa Amerika, ilang buwan matapos na mangiyak-ngiyak akong tinanaw ng dakila kong mga magulang, kaisa-isa kong kapatid at paborito kong tiyahin sa pag-akyat ko sa "Tanghalang Bayan" at pagkamit ng pinakaaasam na diploma (wala nang mas he-heaven pa!)
Wala naman talaga akong balak magsulat ng blog dito sa friendster. Pero ngayong pitong taon na akong ina at dalawampu’t tatlong taon nang nage-exist dito sa mundo, naisip kong (oo, nag-iisip din ako minsan) kaya ako hinayaang madapa ng Diyos sa murang edad eh para maiwasan namang madapa ang iba. Pero hula ko lang ‘yon. Ang totoo niyan, hindi ko pa rin alam ang purpose Niya. Basta ang alam ko lang, kung hindi Niya ako "dinagukan" eh hindi magiging ganito kabuti ang buhay ko ngayon. Kaya bilang pagpupugay sa aking pagdapa at pagbangon na naipasa-loob sa nakaraang pitong taon ng buhay ko, ishe-share ko lang sa ‘yo ang dalawampu’t limang pinakamahahalagang aral ng buhay na subok kong totoo.
1. Ang desisyon na mahirap gawin ay ang tamang desisyon.
2. Sa una lang mahirap gawin ang kalokohan. Kapag nagawa mo na ito, madali na itong ulit-ulitin. Kaya ‘pag may nangako sa ‘yo na hindi na siya uulit, mag-isip ka muna ng 100,000 times bago i-consider.
3. Ang isang sikreto, ‘pag binanggit mo nang higit sa isang tao, ay hindi na sikreto.
4. Hindi lahat ng malabong maging totoo ay hindi na pwedeng paniwalaan.
5. Hindi ka mag-iisip kung ayaw mong humindi.
6. Madalas kaysa hindi, kapag may namumuong tensyon sa mga taong nakapaligid sa ‘yo, mas mabuti na huwag ka na lang kumibo.
7. Ang mas mahirap sa pagiging mag-isa ay yung hilingin mo na sana, mag-isa ka na lang.
8. Isang batayan para malaman mong hindi mo na mahal ang isang tao, eh kapag hindi ka na natatakot na mawala siya sa ‘yo.
9. Hindi nangangahulugang hindi mo na mahal ang isang tao kapag huminto ka na ng pagpaparamdam sa kanya ng pagmamahal.
10. Kapag pumanaw ang isang minamahal, hindi gumagaling ang sugat sa puso, natututo lang ang puso na masanay sa sakit.
11. Karamihan ng mga tao eh madalas magpabago-bago ng kaibigan, trabaho at karelasyon pero hindi nila binabago ang kanilang mga sarili.
12. Totoong sa kahit anong problema, isang tao lang ang makakatulong sa ‘yo—ang sarili mo.
13. Kung may gusto kang masabi, sa lalake ka humingi ng pabor; kung gusto mong magkaroon ng aksyon sa nasabi, sa babae ka makiusap.
14. Mas mabuti nang magdusa ka dahil sa kagagawan ng iba, kaysa magdusa ang ibang tao dahil sa kagagawan mo.
15. Kadalasang pagmumulan ng problema ang pakikipagkaibigan sa "ex" mo.
16. Hindi lahat ng "bestfriends" eh best of all your friends.
17. Ang mga pagsisisihan mo ay ang mga bagay na naduwag kang gawin.
18. Huwag lingunin ang mga taong nagsasalita lang kapag nakatalikod ka, dahil kapag lumingon ka, wala ka na ring pinag-iba sa kanila.
19. Totoong minsan, kailangan rin ng lakas para sabihing mahina ka.
20. Guro at pamunuan ng eskwelahan ang magdedesisyon kung karapat-dapat mo nang makamtan ang diploma mo pero hindi sa mga guro, kundi sa mga kaklase mo manggagaling ang mga mahahalagang leksyon na babaunin mo.
21. Ang taong marunong magmahal sa kanyang mga magulang ay mabuting tao.
22. Hindi lahat ng taong masaya ay maligaya.
23. Maraming bagay ang hindi nasusulusyunan ng pera.
24. Madaming beses pwedeng pumalpak ang isang tao, pero masasabi mo lang na "loser" na siya pag sinimulan na niyang manisi ng iba.
25. Hinuhusgahan mo ang sarili mo ayon sa alam mong kaya mong gawin, samantalang hinuhusgahan ka naman ng mga nakapaligid sa ‘yo ayon sa kung ano na ang iyong nagawa.
Kung isa ka sa mga naghulma sa pagiging mas mabuti kong tao, lalo na sa mga mgulang, kapatid at kamag-anak ko, salamat sa ‘yo.
Kung isa ka sa mga batchmates o schoolmates ko sa Nazareth na pinag-chismisan ako noong nag drop-out ako sa huling taon natin sa high school, pero hindi ako hinusgahan, salamat.
Kung naging classmate kita sa Sta. Catalina noong nagtransfer ako dito para tapusin ko ang high school, salamat dahil kahit na pinagchi-chismisan niyo na may anak na ako eh hindi mo pa rin pinarating ‘to sa mga teachers. Siguro kung sinumbong mo ako, malamang, na-kick out ako.
Kung isa ka sa mga naging kaklase, batchmates o schoolmates ko sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, hindi ko alam kung paano ako makaka-survive sa kolehiyo nang wala ka. Ikaw ang nagturo sa aking mag yosi sa aquario, kumain ng tukneneng, maglakad mula PLM hanggang SM Manila, mamasyal at mag-enjoy kahit walang nilalabas na pera at maging lider-estudyante. Hindi dahil wala tayong binayarang tuition kaya ako proud to be a PLMayer. Proud akong maging "scholar ng bayan" dahil kayo ang mga naging kadamay ko sa pagpapatunay na karapat-dapat ako sa pribilehiyong ito.
JM, salamat at naranasan kong maging asawa. Jette, salamat at dahil sa ‘yo, isa akong ina.
Kung wala ka sa mga nabanggit eh salamat pa din dahil nag ukol ka ng oras para basahin ang blog kong ito. Sana, hindi puro kalat ang napulot mo dito.